Dingdong Dantes at Herbert Bautista: Kay Lacson TAYO!

Iba’t-ibang grupo nagkaisa upang suportahan ang kandidatura ni Alex Lacson
May 7, 2010

alexlacsonwithdingdong

Nagkaisa na ang iba’t-ibang mga youth, civic at religious groups upang suportahan ang kandidatura ni Liberal party senatorial candidate Atty. Alex ‘Pinoy’ Lacson, na lumalaban para sa plataporma ng libreng edukasyon, matatag na sistemang pang hudikatura, entrepreneurship at pagpapadami ng trabaho. Ipagpapatuloy ni Lacson ang mga nasimulang reporma lalo na sa pagbibigay ng libreng edukasyon sa bawat isang anak na kabilang sa mga mahihirap na pamilya sa ating bansa.

Isa ang batam-batang actor at GMA network star Dingdong Dantes sa milyun-milyong mga kabataang nagpahayag na ng kanilang suporta sa kandidatura ni Lacson para sa Senado. Para kay Dingdong, kailangan ng bansa ang mga tulad ni Lacson na may matatag na paninindigan sa pagbabago at malinis ang hangarin at pagmamahal sa bayan.

Nagkakilala sina Lacson at Dingdong nang bigyan ni Lacson ng kanyang librong “12 Little Things Every Filipino Can Do To Help Our Country” ang actor sa isang okasyon. Aminado si Dingdong na noong binasa niya ang aklat ni Lacson, natigatig siya at natanto na mayroong malaking bahagi ang bawat isa tungo sa pagbabago.

Duon nagsimulang ikalat ni Dingdong ang mga aral na nabasa niya sa munting aklat. Kaya naman, hindi na nagtaka ang batam-batang actor nang ihayag ni Liberal party standard bearer Benigno “Noynoy” Aquino na pambato rin niya pagka-senador ang paborito nitong awtor na si Lacson. Tuloy-tuloy ang pangangampanya ni Dingdong para sa paghalal kay Lacson sa senado.

Tubong Negros si Lacson at sa kabila ng kanyang kahirapan, patuloy na tumutulong sa kapwa mahirap. Pagkatapos ng kanyang pagaaral ng abogasya sa UP-Diliman, bumalik sa Kabangkalan Negros Occidental si Lacson at nagpaaral ng mga iskolar. Nagbigay din ng libreng legal services si Lacson lalo na duon sa mga kapos palad ngunit biktima ng mga dambuhalang kumpanya at mga panginoong maylupa.

Para kay Dingdong, panahon na upang maghalal ng mga batang Senador na may tunay na kakayahan, pagmamahal sa bayan at talino. Matagal na aniyang sadlak sa kahirapan ang bansa at nasasa mga mamamayan din ang solusyon ng mga problema.

“Ang nagustuhan ko kay Atty. Lacson ay ang kanyang panawagan ng pagkakaisa, gayundin yun kanyang sinasabing nasasa ating lahat ang solusyon sa mga problema ng bansa. Nagsisimula sa atin ang pagbabago.”

Pabor si Dingdong sa panukala ni Lacson na pag-aralin ang isang anak sa bawat mahihirap na pamilyang Pilipino sa bansa. Kung papalarin sa Senado si Lacson, ipagpapatuloy nito ang nasimulang mga magagandang inisyatiba tulad ng pagpapataas ng antas ng kalidad ng edukasyon, pagbibigay pagkakataon sa mga Pilipino na maging entrepreneur at pagpapatatag sa pambansang ekonomiya. Balak ni Lacson na itaas ang alokasyon sa badyet para sa edukasyon, mula 3% hanggang 7% ng GDP. Makasasapat ito upang matugunan ang panukalang libreng pag-aaral ng bawat miyembro ng naghihirap na 40 milyong pamilyang Pinoy mula elementarya hanggang kolehiyo.

Liban kay Dingdong, nagpahayag na rin ng suporta ang Young Organizers’ Union (YOU), isang organisasyon ng mga kabataang organisador sa Pilipinas. Hanga ang YOU sa ipinapakitang pagmamahal sa mga mahihirap ni Lacson lalo na noong kanyang binisita ang mga komyunidad ng mga Manileno sa Tondo at yaong mga mahihirap na Pilipinong nakatira sa Payatas, Quezon City. Suportado rin ng YOU ang plataporma ni Lacson para sa edukasyon.

Kabilang din sa mga grupong sumusuporta kay Lacson ay ang Kabataan partylist, 1UTAK, iba’t-ibang grupong sibiko at mga probinsyal na mga organisasyong naniniwala sa paninindigan ng batang senatoriable. Marami ring mga grupong relihiyoso, kabilang na ang mga Katolikong organisasyon sa mga sumusuporta sa kandidatura ni Lacson. Mayroon ding Muslims United for Lacson (MULA) na tuloy tuloy ang suporta sa pambatong senatoriable ng Liberal party.

Malakas rin ang suportang ibinibigay ni Quezon City vice mayor Herbert Bautista sa kandidatura pagka-senador ni Lacson. Tumutulong ang batang kandidato pagka-alkalde sa pagpapakalat ng mga paniniwala ni Lacson sa mga mamamayan ng Lungsod.

Kamakailan, nagpahayag din ng suporta si Megastar Sharon Cuneta para sa kandidatura ng kanyang kaibigang si Alex Lacson. Tulad ni Dingdong, hinangaan ni Shawie ang malinis na puso ni Lacson at tibay nito ng dibdib na suungin ang pulitika para lamang makagawa ng pagbabago sa ating lipunan.

Magkaibigang matalik sina Lacson at ang asawa ni Shawie na si Senador Francis “Kiko” Pangilinan. Magkaklase sa UP at kapwa tapos ng post-graduate studies sa Harvard law. Kung papalarin, kapwa gagawa ng mga batas para sa mahirap ang dalawa sa Senado.