Shawie suportado si Alex Lacson!

May 6, 2010

IMG_6046 small

Sa ginanap na Rock the Vote concert kamakailan sa People Power Monument sa EDSA, kitang-kita ang suporta ni Megastar Sharon Cuneta para sa mga kandidatong Liberal, katulad ni Senatoriable Atty. Alex “Pinoy” Lacson. Si Lacson ay matagal ng kaibigan ng asawa ni Shawie na si Senator Francis “Kiko” Pangilinan. Nagkakilala si Lacson at Senator Kiko noong panahong student leader pa silang dalawa sa Unibersidad ng Pilipinas. Parehong nagtapos ng abogasya sa UP College of Law sina Lacson at Kiko, at kaklase din ni Kiko ang naging asawa ni Lacson. Pareho ding nag Harvard ang dalawa. At kung papalarin, muling magkikita sa Senado sina Lacson at Kiko Pangilinan.

Katulad ng maraming Pilipino, nagsimula rin sa wala si Alex Lacson. Ngunit hindi naging balakid ang kahirapan sa kanya. Nagpursigi sa pag-aaral si Lacson, hanggang sa natapos niya ang kanyang pag-aabogasya. Nang makamit na niya ang kanyang nais sa buhay, bumalik si Lacson sa Kabankalan, Negros Occidental at doon, nagpaaral naman ng mga iskolar.

Aminado si Lacson na ang Megastar ang kanyang paboritong artista mula pa noong siya ay nag-aaral, kung kaya naman tuwang-tuwa si Lacson sa suporta nito. Tulad ni Shawie at ng kanyang asawang si Kiko, malambot ang puso ni Lacson sa mga mahihirap. Sa lahat ng mga kandidato pagka-Senador, si Lacson lang ang maka-ilang ulit na bumisita sa Tondo, Maynila at Payatas upang makasalamuha ang mga kababayan niya duon. Bagamat tubong Negros, malapit sa puso ni Lacson ang Tondo. Maraming kaibigan duon si Lacson na mula’t sapul, lalo na noong nag-aaral pa siya, ay naging sanggang dikit niya anuman ang problema.

Kung papalarin si Lacson, tiyak nang magkakaroon ng kasanggang Lacson si Kiko sa Senado para makapag-gawa ng mga batas upang mas lalo pang matulungan ang mga mahihirap, at maiangat ang antas ng ekonomiya, edukasyon at hustisya sa ating bansa.

Isang panukalang batas na gustong gustong maipatupad ni Lacson ay ang pagbibigay ng libreng edukasyon, mula elementarya hanggang kolehiyo, sa kahit isang anak ng bawat pamilya. Kuwarenta milyong pamilyang Pilipino ang makikinabang sa batas na ito.

Para kay Lacson, mahalaga ang edukasyon, sapagkat dito umaangat ang buhay at katayuan ng isang pamilya. Sa isang bagong administrasyon, inaasahang maglalaan ang pamahalaan ng mas mataas na badyet sa edukasyon para suportahan ang inisyatibang ito. Kung halos 3 porsiyento lamang ng GDP ang inilalaan ng pamahalaan sa edukasyon, nais ni Lacson na mai-angat ito sa 6-7% upang sumapat sa pangangailangan ng bawat Pilipino sa kanilang pag-aaral.

Tutulungan din ni Lacson ang mga maliliit na manininda at pagyayabungin ang entrepreneurship sa pamamagitan pa ng mga dagdag na batas hinggil dito.

Ang gustong-gusto naman ng Megastar kay Lacson ay ang kanyang pagkakasulat sa librong “12 Little Things Every Filipino Can Do To Help Our Country.” Ang librong ito ay nagbibigay inspirasyon sa ordinaryong Pilipino na gawin ang makakaya para sa bansa at kapwa Pilipino. Si Lacson ay kilala sa bawat sortie sa kanyang paniniwala na iisang pamilya ang Pilipino, at lahat tayo ang solusyon sa problema ng ating bansa.